Batong Pwede Gamitin sa Aquarium

7 komento:
Masaya pero nakapapagod ang beach outing namin ng pamilya kanina. Nagpunta kami sa isang parte ng Ternate. Gaya ng lagi kong ginagawa tuwing may pinupuntahang bago, naghahanap ako ng mga bagay na pwedeng gamitin sa pagdedesign ng aquarium. Kadalasan, bato ang tinitingnan ko dahil malaki talaga ang dinadagdag nilang ganda sa aquarium.


Simple lang ang ayos pero maganda, diba? Isa pa, isa ito sa mga akala mo ay murang parte ng aquascaping -- pero hindi! Sobrang mahal ng bato dahil per kilo ito binebenta at mahal na kapag malalaki na ang pinag-uusapan. Halimbawa, 5 kilo sa P50 -- P250 na agad yun! Eh kung mamumulot ka lang, eh di mas mura. Pero hindi lahat ng bato, pwedeng gamitin sa loob ng aquarium. Kailangan, pumasa ito sa acid test para masigurong ligtas ito para sa mga isda.

Ano ang acid test? Tinitest nito kung matutunaw ang bato kung matagal silang ibababad sa tubig. Kapag natunaw, maaari silang maglabas ng chemicals na maaaring lumason sa isda. Buti na lang, madali lang itong gawin. Narito ang mga hakbang:

1. Mamili ng parte ng bato na pwedeng gasgasin.
2. Gumamit ng matigas na bagay para gasgasin ang bato.
3. Patakan ng acid -- pwedeng gumamit ng suka o muriatic acid -- ang bato.
4. Tingnan kung bubula ang parte na pinatakan.

Kapag bumula, ibig sabihin, fail ang bato dahil gawa ito sa material na maaaring tunawin ng natural na acidity ng tubig na pang-aquarium. Kapag hindi naman bumula, pass. Ibig sabihin, pwedeng lubusang linisin ang bato at gamitin sa design ng aquarium. 

Ginawa ko yan kanina. Ito ang picture ng isa sa mga pasadong bato: 


Hindi bumula ang bato kaya ok yan. Ito naman ang isang video ng bagsak na bato:



Kapansin-pansing naging white kaagad ang pinatak kong hydrochloric acid na sangkap ng toilet bowl cleaner namin. Kaya, ayan. Fail siya.

Sa dinami-dami ng inuwi kong bato, tatlo lang ang pumasa. Nakakalungkot -- at nakakapagod sa pagbubuhat -- pero ok na rin yan dahil, at least, hindi naman malalagay sa panganib ang mga isda ko. Huhugasan ko na lang ng matindi ang mga pasadong bato at idi-disinfect ko para pwede ko nang gamitin sa susunod kong bagong layout ng aquarium. 

Pagpaplano ng Bagong Aquarium

Walang komento:
Parang ganito yung gusto kong layout.
Gusto ko ng bagong aquarium pero wala pa akong budget. Gusto ko kasing mag-set up ng isang tank na panay Java fern at Anubias lang ang halaman.
Dahil di pa pwede, naisip ko na lang na mag plano. Isa sa pinaka importanteng bagay sa pag-aalaga ng aquarium ang pagpaplano. Bakit? Well, maraming rason.

Una na dito ang pagtitipid ng pera. Maraming pera kasi ang nasasayang kapag hindi ayos ang pagpili ng gamit at isda. Kapag di tugma ang mga bagay-bagay, namamatay kasi ang isda o kaya naman ay kailangang bumili ng ibang gamit.

 Maganda ring may plano kasi nga, madaling namatayan ng isda kapag mali o walang planong nakalatag para sa pag-aalaga. Dapat, tamang pagkain. Dapat, tamang klase ng isda ang pagsasamahin. Kung hindi, patay sa gutom o patay dahil nagkainan ang mga isda. Kawawa naman.

Isa pa, mahirap maglinis ng aquarium kung mali ang paglalagyan. Kapag malayo sa gripo o sa igiban ng tubig, naku, masakit sa braso o likod ang pagpupuno ng tubig. Maganda kung mas malapit sa igiban para madaling magbuhat ng balde; mas maganda kung may hose para diretso na ang paglalagay ng tubig. Siguruhin lang na walang chlorine ang tubig galing sa gripo kasi nakamamatay yun ng isda at halaman. Kung may chlorine, dapat bumili ng chlorine neutralizer.

Mahalaga talaga magplano kapag mag seset-up ng bagong aquarium. Iwas gastos, patay na isda, at sakit ng katawan. Planado na naman ako ngayon. Kailangan ko na nga lang ng pera para pambili. Kailan kaya ako magkaka-extra? Ewan lang, pero sana sa birthday ko sa August, meron na.

BlogIt! Android App

Walang komento:
Testing lang ang post na ito dahil nag install ako ng app para makapag blog mula sa phone ko. Gusto ko sanang mag post ng picture pero hindi ko kasi ma-figure out kung papaano ko gagawin dito sa app. Pag nalaman ko na, try ko mag-post ng pics. Kapag di ko ma-figure out, hehehe, ia-uninstall ko na lang to.

Ang Arowana sa Residence Inn, Tagaytay

Walang komento:
Noong isang linggo pala, nagpunta kami sa Tagaytay dahil birthday ng tita ko. Sa Residence Inn kami pumunta dahil sa mini zoo nila na hilig ng anak-anakan ko.

Marami na palang nagbago doon, kasama na ang maliit nilang gallery ng mga isda. Sa kasamaan palad, hindi ko gusto ang mga isdang naka-display sa mga aquarium nila dahil common naman ang karamihan. Pero naaliw ako dahil may nai-video akong isang silver arowana.


Ganda, no? Gusto ko sanang mag-alaga din ng arowana. Lumalaki sila ng hanggang apat na piye (feet). Madali lang naman sila sana pakainin dahil kahit na kumakain sila ng isda, kakain din sila ng kahit anong kakasya sa bibig nila. Kapag maliit pa lang, tatlong beses sila dapat pakainin pero pag lumaki na sila ng lubos, kahit isang beses isang araw na lang. Magaling silang tumalon kaya dapat din, may takip ang aquarium. Kung sa mga kasamang isda naman, bawal ang kahit anong kasya sa bibig nila; pwede naman ang ibang isdang lumalaki tulad ng iba't ibang uri ng malalaking cat fish, gar, at dahil mabibilis ang mga pacu, pwede rin naman. Yun nga lang, malaking aquarium nga ang kailangan -- halos 300 gallons kapag mature na ang arowana. Ang ibig sabihin, tipong 8 piye ang haba nun.

Sa may kayang magbigay sa kanila ng ganoong kalaking aquarium, go lang. Mag-alaga lang kayo. Pero kung hindi talaga kaya ang ganoong kalaking aquarium, huwag na lang dahil nakakaawa ang isda. Sa mga taong tulad ko -- yung hindi pwedeng mag-alaga ng ganitong kalaking isda, enjoyin na lang natin ang video na ito! 

Ang Mga Libreng Gourami

2 komento:
Nagtatago sa likod ng aquarium kasi, camera shy.
Noong bata pa ako, wala akong sariling pera kaya naman hindi ako makabili ng mga isdang gusto ko. Nang namatay ang isdang binili sa akin ng Tita ko, ayun, problemadong-problemado ako dahil wala na akong alaga. Hunghang kasi ako noon. Di ko alam kung paano talaga mag-alaga ng isda. Ayun, dedbol tuloy. Mabuti na lang, maabilidad ako noong bata pa ako -- mana sa ama!

Sa tatay ko ako nakakuha ng isang magandang ideya para makapag-alaga ulit ng isda. Nandadala kasi siya (nanghuhuli ng isda gamit ang net). Isa sa mga local na isda na nahuhuli niya ang gourami, at tuwing uuwi siya galing sa ilog, tinitingnan ko kung may mga buhay na gourami sa lalagyan. Kinukuha ko sila at -- voila! -- libreng isda.

Ito naman ang pinaka bibong gourami, nagpapicture!
Kahit dati pa, gandang-ganda na ako sa native na gourami na nahuhuli dito sa amin. Ang nahuhuling gourami dito ay tinatawag na three-spotted gourami. Bakit? Kasi, may tatlong tuldok na itim siya -- isa sa buntot, isa sa katawan, at ang mata naman niya ang ikatlo. Kadalasan, may pagka-silver ang katawan nila at nagkakaroon sila ng mga tulduk-tuldok na orange sa mga palikpik. Minsan, nagkakaroon sila ng blue na kintab at depende sa huwisyo ng guourami, nagkakaroon din ng black stripes na parang zebra.

Sobrang tibay din ng gourami. Dahil nga bata pa ako noon, nakakalimutan ko sila pakainin, pero nabubuhay pa rin sila ng matagal. Di naman kasi sila mapili. Kumakain sila ng halos kahit ano gaya ng lumot, insekto, at maliliit na isda. Ngayon, pinakakain ko sila ng floating pellets dahil mas madaling tanggalin ang sobrang pagkain sa aquarium pag nasobrahan.

Naku, sobrang bilis. Blur lang ang napicturan ko.
Mainam alagaan ang gourami kasi, hindi rin sila maselan sa tubig. Kahit kaunti lang ang oxygen sa tubig, di problema kasi, kayang lumagok ng hangin ng gourami.

Medyo mahirap nga lang haluan ng ibang isda ang aquarium kapag may gourami. Bawal ang sobrang liit na isda kasi, kakainin nila. Bawal din ang sobrang maarteng palikpik kasi gugutay-gutayin lang din nila yun. Pag lumaki, hanggang anim na pulgada minsan, kailangan silang ilipat sa mas maluwag na aquarium,  tipong 30 gallons. Parang fighting fish, nag-aaway din ang mga lalaking gourami, kaya kung alam niyo kung paano malalaman, sana, isa lang sa isang aquarium.

Pwede namang ihalo ang gourami sa mga isdang mabibilis lumangoy. Ngayon, ang kasama ng mga gourami ko ay mga zebra danio, platy, at corydoras. Wala pa namang problema, pero baka magka-baby na ang mga platy. Ayun. Saka ko na lang poproblemahin pag bumukol na ang mga tiyan nila.

Ayaw ko mang ipagyabang pero ang mga pictures na yan ay galing sa sarili kong aquarium. Pasensiya na at malabo dahil di pa digicam ang gamit ko -- cell phone lang. By the way, libre lang din ang mga gourami na yan. Nahuli ng mga bata noong last time na nagbaha dito sa amin. Nakita ko sila sa tabo sa tabi ng tindahan. Sabi ko sa tito ko, kasi siya ang pinagbigyan, "Akin na lang to, To!" Ayan. Libreng isda na naman! Yipee!!!

Tuloy Po Kayo!

4 (na) komento:
Ang Anubias na nasa aquarium ko.
Tuloy po kayo sa aking aquarium blog!

Ako po si Chad at mahilig akong mag-alaga ng mga isda at halamang pang-aquarium. Simula pa noong bata ako, nag-aalaga na ako ng isda. Nagsimula akong mag-alaga ng mga goldfish na nabibili sa tabi ng kalsada at  at sa malaking garapon lang ng Lady's Choice mayonnaise ko sila inalagaan. Di nagtagal, binigyan ako ng ninong ko ng isang malaking aquarium at kung anu-anong isda na ang inalagaan ko. Platy, molly, guppy, gourami, at marami pang iba. Noong high-school ako, nakakita ako ng magazine tungkol sa pag-aalaga ng halamang pang-aquarium, at doon na nagsimula ang aking pagkahilig dito. Marami din akong inalagaang halamang pang-aquarium, pero di pa ako magaling dating mag-alaga kaya namamatay lang sila. Kahit ganoon, hindi pa rin naman ako nasiraan ng loob at tuluy-tuloy pa rin ako sa pag-aalaga.

Ngayong matanda na ako, marami na rin akong natutunan sa pag-aalaga ng isda at halamang pang-aquarium -- trial and error nga lang ang karamihan. Kaya naman ngayon, gusto ko sanang ipamahagi ang alam ko tungkol sa pag-aalaga ng isda sa mga kapwa kong Pinoy na baguhan pa lang para di kayo mamatayan ng isda at masayangan ng pera. Hehehe!

Ito muna sa ngayon. Sana, mag-follow kayo, magtanong (para may mai-post ako), at mag-comment. Hintay-hintay lang po ng kaunti para sa mas maraming kaalamang tungkol sa pag-aalaga ng isda! Salamat!